Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawakin pa ang database ng mga taxpayers upang maobliga ang mga “big-time” businesses na magbayad ng kanilang mga buwis.
Sa budget hearing ng Department of Finance (DOF) sa Senate Finance subcommittee, sinita ni Senator Raffy Tulfo kung bakit ang mga tricycle drivers, mga vendors at sari-sari store ay pilit na pinag-iisyu ng resibo habang ang mga malalaking sindikato tulad ng mga oil smugglers ay nakakalusot sa pagbabayad ng buwis.
Nitong 2019 ay pati ang mga vloggers ay pinupuntirya na rin ng mapatawan ng buwis ng pamahalaan.
Napuna ni Tulfo na tuwing kailangang taasan ang koleksyon sa buwis ay palaging ang mga maliliit na kababayan ang tinatarget ng BIR.
Sinegundahan ni Pimentel ang naging obserbasyon ni Tulfo at iginiit na tila mga small-time taxpayers, mga law-abiding citizens at mga nasa database ang pinipiga ng BIR sa pagdadagdag ng buwis gayong ang mga matatapang na sindikato na hindi nagababayad at wala sa database ay hindi man lang hinahabol ng ahensya.
Tugon naman ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na sinosolusyunan na nila ang problema sa tax collection sa pamamagitan ng ‘digitalization automation’ upang masilip agad kung nakakasunod ba sa kanilang mga obligasyon ang mga lahat ng taxpayers.
Hinikayat naman ni Guillermo ang publiko na magsumbong sa kanilang ‘e-complaint system’ sakaling ang mga maliliit na taxpayers ay nakakaranas ng harassment sa kanilang mga tauhan.
Sang-ayon naman si Finance Secretary Benjamin Diokno na palawakin ang ‘database’ dahil sa ganitong paraan ay posibleng mabawasan ang tax rate na sinisingil partikular sa ating mga maliliit na taxpayers.