Database system ng mga LGUs na naglalaman ng mga mahihirap na pamilyang dapat tulungan ng gobyerno, dapat nakahanda na

Kinalampag ni Senator Panfilo Ping Lacson ang mga Local Government Unit o LGU para maghanda na ng database system na tutukoy at maglalaman ng impormasyon ukol sa mga mahihirap na pamilyang dapat tulungan ng pamahalaan.

Ayon kay Lacson, ito ay para mapadali ang pagkakaloob ng gobyerno ng 5,000 hanggang 8,000 pesos na tulong sa mga maralitang pamilya na higit na apektado ng Enhanced Community Quarantine.

Ang nabanggit na tulong pinansyal ay iniaatas ng Bayanihan to Heal as One Act na ipinasa isang linggo na ang nakalilipas sa layuning mapag-ibayo pa ang mga hakbang ng pamahalan para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Inihalimbawa ni Lacson ang Taguig City sa pagkakaroon ng mahusay at updated na database system kung saan pwedeng makita ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong.

Nanghihinayang si Lacson dahil hindi pa naipapatupad ang national ID system na makakatulong sana ng malaki para mapabilis ang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan ngayong may krisis dahil sa COVID-19.

Facebook Comments