Opisyal nang kinasuhan sina Cheryl Favila at Maricar Asprec ng paglabag sa Republic Act 7877 o Anti-Sexual Harrassment Act matapos sampahan ng reklamo ni Gretchen Fullido noong Oktubre 2018.
Nagkasama sina Fullido, Favila, at Asprec sa primetime newscast ng ABS-CBN na TV Patrol.
Dating supervising producer si Favila at segment producer pa din hanggang ngayon si Asprec sa nasabing news program.
Nananatili pa din sa giant network si Fullido bilang host ng Star Patrol at entertainment news reporter.
Sa ulat ng PEP.ph, naibigay ang niraffle na kaso kay Presiding Judge Rebecca Guillen-Ubana ng Quezon City Metropolitan Trial Court kahapon.
Sa resolusyon na nilagdaan ni Quezon City Prosecutor Rosalinda Sajot noong Mayo 28, may sapat na batayan ang reklamo kay Asprec at Favila.
Nakasulat sa dokumento na may “double meaning” ang mga sexual text message ni Favila kay Fulido.
“The messages sent by Favila to Fullido contain flirtatious playful text messages. Her flirtatious dealings with Fullido were inappropriate as she was the latter’s supervisor, compromising their professional relationship.”
Samantala, dawit pa din si Asprec dahil umano’y sa pakikipagsabwatan kay Favila sa “sexual harassment act” kay Fullido.
Bago dalhin ng showbiz reporter ang reklamo sa QC Prosecutor office, dinulog niya ang problema sa pamunuan ng network. Ngunit dinismiss ito ng ABS-CBN.
Natanggal ang dating supervising producer dahil sa pagsuway ng “company’s code of conduct at labor code” noong Abril 2018.