Nanindigan si dating Agriculture Usec. Leocadio Sebastian na ‘with good conscience’ ang ginawa niyang paglagda sa Sugar Order No. 4 (SO4) na naguutos sa pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Sa pagdining ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa iligal na SO 4 ay nagisa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa si Sebastian dahil sa pagaakala ng opisyal na ayos na ang kautusan kaya pinirmahan nila sa ngalan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang nasabing order.
Hindi naman matanggap ni Dela Rosa ang katwiran ni Sebastian at duda itong may iba pang mabigat na rason kaya nilagdaan ang SO4 na hindi nalalaman ng pangulo.
Magkagayunman, tinayuan pa rin ni Sebastian ang katwiran nito na mayroong memorandum na inilabas noong July 15, 2022 kung saan binibigyan siya ng kapangyarihan na lumagda sa pag-i-import ng asukal.
Ang memo ay galing aniya kay Executive Secretary Victor Rodriguez na otorisado ni Pangulong Marcos kaya kung siya ang tatanungin ay malinis ang kanyang konsensya sa ginawang paglagda sa SO4.
Maliban dito, hindi naman aniya agad-agad dinisesisyunan ang pag-i-import ng 300,000 MT asukal dahil ito ay dumaan muna sa konsultasyon sa mga sugar millers, refiners at planters.
Samantala, inoobliga naman ni Blue Ribbon Chairman Senator Francis Tolentino na humabol sa pagdinig ngayong araw si dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica.
Si Serafica ay ‘virtually’ lamang humarap sa pagdinig kaninang umaga matapos na hindi maka-comply sa hinihinging antigen test at pinapahabol ngayong hapon na dumalo ‘physically’ sa pagdinig.