Dating artista na si Deborah Sun, timbog sa buy-bust operation sa QC

Image via IMDB/QCPD

Arestado sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dating aktres na si Deborah Sun o Jean Louise Porcuna Salvador sa totoong buhay nitong Sabado ng madaling araw.

Kasama sa mga nasakote ang anak ni Deborah na si Angela Porcuna, 45, Gonzalo Gonzalez, 49, at Gerald de Guzman, 53.

Ni-raid ng mga awtoridad ang unit na tinitirahan nila sa New York Mansion, sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, lungsod ng Quezon pasado ala-una ng umaga.


Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng impormasyong may ginagawang iligal sa loob ng naturang unit.

Nasabat sa mga salarin ang isang gramo ng shabu na nagkakahalagang P6800, dalawang lighter, weighing scale, gunting, at mga improvised tooter na gawa sa foil at tube. Narekober din sa lugar ang P1,000 marked money na ginamit sa entrapment operation. 

Base pa sa imbestigasyon, tinangka umanong umeskapo ni Angela sa pamamagitan ng paglabas mula sa bintana ng condominium unit na pagmamay-ari ng artistang si Ara Mina. 

Saad ng mga nakasaksing residente, ikinagulat nila ang pagtawid ng babaeng anak ni Deborah sa katabing unit na bukas ang bintana.

Agad nila itong ipinagbigay-alam sa security ng naturang gusali kaya madaling nahanap ng awtoridad.

Kasalukuyang nakapiit ang mga akusado sa QCPD-Station 8 at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pamangkin ng aktor na si Philip Salvador at tiyahin ng “The Killer Bride” star na si Maja Salvador si Deborah.

Bagaman nag-positibo sa drug test, mariin nilang itinatanggi na gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot.

Facebook Comments