Dating Board Member ng Isabela, Pabor sa Pagbabalik ng Parusang Kamatayan

Cauayan City, Isabela- Pabor si dating Board Member Ysmael Atienza at ngayo’y Chairman ng Isabela Anti-Crime Task force sa posibleng pagbuhay ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng ‘lethal injection’ sa mga mapapatunayang nagkasala ng heinous crimes gaya sa iligal na droga.

Ito ang isa sa binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-5 State of the Nation Address.

Ayon kay Atienza, lumalala na ang sitwasyon ng iligal na droga sa lalawigan ng Isabela dahil sa impluwensya nito na nauuwi sa ilan pang krimen gaya ng panggagahasa.


Aniya, kung mapatunayan man na nagkasala ang isang suspek ay masisintensyahan lamang ito ng pagkakulong na hindi nararapat para sa kanila.

Giit niya, maituturing na maganda ang buhay ng mga bilanggo dahil sa kumpleto ang kanilang pangangailangan sa mga bilibid na pinopondohan ng gobyerno.

Nakukulangan naman si Atienza sa naging ulat sa bayan ni Pangulong Duterte ukol sa usapin ng iligal na droga lalo pa’t inamin ng punong ehekutibo ang ‘failure’ sa kampanya laban sa droga.

Pabor din si Atienza sakaling madagdagan ang termino ni Pangulong Duterte kung maipapasa man ang federal government na kanyang isinusulong ng maupo sa pinakamataas na pwesto ng bansa.

Una nang iminungkahi ni IACT Chairman Atienza ang Death penalty sa Regional Development Council.

Facebook Comments