Manila, Philippines – Nananatiling in good fighting spirit si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon habang nakaditine sa Senado simula pa kahapon.
Ayon kay Atty. Jose dino, maayos ang pagkain ni Faeldon, nakapagpahinga at walang mairereklamo sa maayos na pagtrato sa kanya sa detention facility ng Senado.
Hind rin aniya pinapabayaan si Faeldon ng mga doktor at nurse sa Senado lalo pa at nananatili ang medikasyon nito matapos dumanas ng mild heart attack noong August 7.
Libangan aniya ni Faeldon ang pagbabasa ng libro, habang may notepad din itong nakahanda kung kailanganin niya.
Sabi pa ni Atty. Dino, nakakapagpalakas kay Faeldon ang bumubuhos na moral support sa kaniya.
Ayon kay Atty. Dino, maliban sa mga kapatid at ilang kaanak ay may mga senador din na dumalaw kay Faeldon pero tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.
Hindi rin aniya takot si Faeldon sa posibilidad na mailipat siya sa Muntinlupa o Pasay City Jail.
Sabi ni Atty. Dino, bilang dating marine officer ay sanay si Faeldon sa mahirap na sitwasyon kahit pa ang hindi pagkain ng ilang araw kaya tinatawanan lang nito ang mga balita na pwede siyang masadlak sa likod ng rehas.