Dating Budget Usec. Lloyd Christopher Lao, humarap na rin sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa COA report sa DOH

Humarap na rin sa unang pagkakataon sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts kaugnay sa Commission on Audit (COA) findings ng Department of Health (DOH) si dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao.

Si Lao rin ang Officer-in-Charge (OIC) ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na nasa likod ng pagbili ng mahal na presyo ng face masks at face shields.

Nanindigan si Lao sa panel ng komite na kumpleto ng dokumento ang ginawang pagbili sa mga sinasabing overpriced na medical supplies.


Aniya pa, ang pagbili sa mga medical supplies ay dumaan sa emergency procurement at tanging China pa lang noon ang available na mapagkukunan ng suplay.

Samantala, aabot naman sa P39.3 billion ang na-obligate na mula sa P42 billion na pondong inilapat ng DOH sa PS-DBM para sa pagbili ng face masks at face shileds noong 2020.

Sa P39.3 billion obligated funds, P27.1 billion dito ang nabayaran na at mayroong P12.2 billion na halaga ng facemasks at face shields ang inaasahang darating sa bansa.

Matatandaang nakukwestyon ngayon ang DOH dahil sa biglang paglilipat nito ng pondo sa PS-DBM gayong kaya naman ng mga opisyal ng health department na magsagawa ng procurement biddings.

Ang isyung ito ay nakapaloob din sa COA 2020 audit report na ngayon ay patuloy pa ring dinidinig sa Kamara.

Facebook Comments