DATING CAGAYAN VICE GOVERNOR, HINATULANG MAKULONG NG HANGGANG 8 TAON

Hinatulan si dating Cagayan Vice Governor Leonides Fausto kasama ang dalawa pang indibidwal ng anim (6) hanggang walong taon na pagkakakulong ng Sandiganbayan dahil sa kasong Graft.

Si Fausto ay kasalukuyang nakaupo bilang 3rd District Board Member ng lalawigan.

Ang tatlo ay nahatulan kaugnay sa illegal disbursement ng 200 blankong tseke mula taong 2006 hanggang 2007.

Sa nakuhang impormasyon mula sa Cagayan Public Information Office, si dating Vice Governor Fausto na noo’y Barangay Captain ng Lakambini, Tuao, Cagayan, kasama ang kanyang asawa na si Eulalie Taguiam-Fausto, na dating Manager ng Land Bank Philippines, at Ricardo Cabacungan na dating Barangay Secretary ng Lakambini ay nakitang “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag ng Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa ipinalabas na 37-pahina na desisyong inilabas ng anti-graft court noong Agosto 12, 2022.

Bukod sa ilang taong pagkakakulong, sila rin ay pinatawan ng “perpetual disqualification” sa serbisyo publiko.

Sila ay pinagbabayad din ng korte ng halagang kanilang illegal na na-withdraw na P6,606,324.00 kasama ang interests nito sa gobyerno upang maibalik sa national treasury.

Lumalabas na base sa mga ebidensyang nakuha ng korte, si Fausto ay nakipagsabwatan sa mga barangay captain at treasurer noong termino niya bilang bise gobernador para mag-isyu ng blangkong tseke na naglalaman ng kanilang mga signature at para ihatid ang mga ito sa kanya o sa iba upang ma-facilitate ang “monetization” ng internal revenue allotments.

Batay sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA), ang mga cheke ay illegal na na-issue at na-encash dahil wala umanong mga disbursement vouchers o supporting documents at paggamit ng mga huwad na dokumento at gawa-gawang deliveries.

Ang mga kwestyonableng cheke ay na na-negotiate naman sa Land Bank of the Philippines (LBP) Tuguegarao sa tulong ng kanyang asawa na noo’y branch manager ng banko.

Facebook Comments