Dating Commander ng Tactical Operations Group 2, Kinilala bilang 10 Most Outstanding Filipinos ng Metrobank Foundation

Cauayan City, Isabela- Kabilang sa 10 Most Outstanding Filipinos ang dating Tactical Operations Group 2 Philippine Air Force Commander na si Col. Augusto Padua matapos mapasama sa mga maswerteng finalist ng prestihiyosong pagkilala ng Metrobank Foundation.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Col. Padua, napasama siya sa listahan ng mga nominado matapos itong irekomenda ni Cagayan Governor Manuel Mamba.

Isa lamang si Padua sa mga nagpamalas ng angking katatagan sa paghahatid ng serbisyo publiko sa mga Cagayano matapos maranasan ang malawakang pagbaha sa Cagayan noong Nobyembre ng nakaraang taon.


Ayon kay Padua, hindi niya inasahan ang mapasama sa pagkilala pero labis ang kanyang pasasalamat sa mga taong nagtiwala sa kanyang kakayahan upang marating ang ganitong pagkilala sa kanya.

Bukod dito, ilan sa mga dahilan ng kanyang pagkakasama sa nominasyon ang patuloy na paghuhulog ng leaflets mula sa himpapawid sa Cagayan Valley at Cordillera upang hikayatin ang mga kasapi ng rebeldeng grupo na magbalik-loob sa pamahalaan.

Nagpasalamat din ito sa kanyang mga kasamahan sa Tactical Operations Group 2 sa Cauayan City, Isabela sa pagbibigay sa kanya ng oportunidad na pamunuan ito.

Si Col. Padua ay kasalukuyang Executive Officer sa Office of the Assistant of Air Staff for Operations na nakabase sa Villamor Airbase, Pasay City.

Facebook Comments