DATING DANCE SPORT CHAMP SA CITY OF ILAGAN, BINIGYAN NG PNP NG LUPANG MATITIRHAN

Pinagkalooban ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (2IPMFC) ang isang dalaga at kaniyang ina ng lupang matitirhan sa lungsod ng Ilagan.

Minsan ng itinampok ng 98.5 iFM Cauayan si Princess Dianne Valdez, 19-anyos, residente ng Brgy. Baligatan, City of Ilagan at dating sumasabak sa Dance Sport Competitions sa ating bansa at maging sa ibayong dagat.

Mag-isang itinataguyod si Princess Dianne ng kaniyang inang si Ginang Leonida Valdez, 67-anyos, at sa tindi ng kanilang kahirapan ay minsan na itong tumigil sa pag-aaral.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay PSMS Gisela Ydel, PCR PNCO 2IPMFC, ipinasakamay ang 6×10 square meters na lupa na nasa Brgy. Bliss Village sa nabanggit na lungsod sa dalaga maging sa kaniyang ina.

Maliban sa lupa ay patatayuan din ito ng bahay mula sa proyekto ng kapulisan na “PNP Adopt a Family”.

Magugunita na unang naitampok ang pagbibigay ng tulong ni PCpl Maycel Joy Suyu, mula sa PCADU IPPO, sa dalaga kung saan binigyan ito ng school supplies, pinasuri rin sa pagamutan ang kaniyang ina, nagbigay ng tulong pinansyal at wheelchair ang LGU Ilagan at tinulungan din ito na mag-apply ng scholarship sa LGU Ilagan at Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.

Facebook Comments