
Inaasahan ni Senate President Tito Sotto III na dadalo na sa panibagong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee mamayang hapon si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Sa harap na rin ito ng report ng Bureau of Immigration (BI) na nagbalik-bansa na si Bonoan matapos itong mag-overstay sa Estados Unidos.
Ayon kay Sotto, isa si Bonoan sa inisyuhan nila ng subpoena hinggil sa imbestigasyon sa flood control anomalies.
Sakali namang hindi dumalo ang dating kalihim, maaari na itong ipa-contempt at isyuhan ng warrant of arrest ng Senado.
Una rito, isiniwalat ni Blue Ribbon Committee Chairman at Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na niloko ni Bonoan si Pangulong Bongbong Marcos matapos umanong sinadya nitong magsumite ng maling grid coordinates upang mapagtakpan o i-cover up ang mga flood control anomalies.
Mamayang alas-1:00 ng hapon ay muling ipagpapatuloy ng Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects, at isa rin sa tatalakayin ang kontrobersyal na Cabral files.










