
Inamin ni Jesus Crispin Remulla na nakapulong niya si dating Senador Antonio Trillanes IV at dalawang imbestigador ng International Criminal Court (ICC) sa kaniyang bahay sa Makati noong nakaraang taon.
Si Remulla ay dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) bago itinalagang Ombudsman.
Kaugnay ito sa isiniwalat ni Atty. Levi Baligod kasama ang labingwalong umano’y dating bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co.
Ayon kay Remulla, nangyari ang pagpupulong matapos maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan si Trillanes ang nagpakilala sa dalawang tauhan ng ICC.
Iginiit naman ni Remulla na walang masama sa naturang pagpupulong dahil ginawa niya ito noon bilang kalihim ng DOJ at bilang tagapangasiwa ng Witness Protection Program.
Aniya, Pilipino ang mga testigo kaya’t dapat isaalang-alang ang kanilang kaligtasan.
Sinabihan din ni Remulla si Baligod na magsumite ng tig-iisang affidavit ang bawat isa sa labingwalo.
Dapat umanong nakabatay ang bawat affidavit sa personal knowledge ng nagsumite at hindi isang pinagsamang pahayag para sa lahat.










