Dating Government Corporate Counsel, dumulog sa Korte Suprema para humirit ng TRO vs Bayanihan 2

Kinuwestiyon sa Korte Suprema ng dating Government Corporate Counsel na si Atty. Philip Jurado ang nagpapatuloy na implementasyon ng Bayanihan 2.

Personal na nagtungo sa Supreme Court si Atty. Jurado para sa kanyang petition for certiorari and prohibition kung saan inihirit nito sa Supreme Court ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order o TRO at pagbasura sa R.A. 11494 o ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.

Ayon kay Atty. Jurado, September 15, 2020 nang maging epektibo ang nasabing batas at napaso na ito noon pang October 12, 2020 base na rin sa Section 18 ng nasabing batas na nagsasabing ang effectivity lamang nito ay hanggang sa adjournment ng Kongreso.


Ayon kay Jurado, sa ilalim ng RA 11494, ang mga transaksyon na naka-angkla dito ay para labanan ang COVID-19 pandemic.

Subalit dahil sa napaso na ang nasabing batas noong Oktubre, mahalaga aniya na matukoy ang proteksyon ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong sektor na papasok sa transakyon kontra sa COVID-19 na maaaring maharap sa mga kasong administratibo at kriminal dahil hindi nila alam na expired na ang naturang batas.

Paliwanag ni Jurado, bagama’t napaso na ang nasabing batas noong October 12, 2020, ipinuproseso pa rin ng Budget Department ang paglalabas ng ₱20 billion hanggang nitong October 22, 2020 gamit ang Bayanihan 2.

October 27 naman aniya nang maglabas ang pamahalaan ng mahigit ₱56 billion na pondo sa anim na ahensiya ng gobyerno sa ilalim pa rin ng RA 11494.

Mayroon din aniyang naka-schedule ang Department of Budget and Management (DBM) na paglalabas ng ₱105 billion na pondo para dito.

Tumatayong respondents sa kaso sina Executive Secretary Salvador Medialdea bilang Chief-alter-ego ng Presidente gayundin ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, National Treasurer Rosalia De Leon, Budget Secretary Wendel Avisado, DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., DOH Secretary Francisco Duque III, Labor Secretary Silvestre Bello III, Agriculture Secretary William Dar, DOTr Secreatary Arthur Tugade, Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, DepEd Secretary Leonor Briones, DAR Secretary John Rualo Castriciones, DTI Secretary Ramon Lopez, DSWD Secretary Rolando Bautista, DILG Secratary Eduardo Año, DPWH Secretary Mark Villar, TESDA Director General Isidro Lapeña, Professional Regulation Commission at Philippine Sports Commission.

Facebook Comments