Dating Governor Grace Padaca, Nahatulang Guilty

Cauayan City, Isabela – “Para namang napakasama ko!” Ito ang naibulalas ni dating Isabela Governor at COMELEC Commisioner Grace Padaca sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ito ay matapos na guilty ang hatol ng graft court Sandiganbayan dahil sa kasong naisampa laban sa kanya hinggil sa usapin ng pagpapautang sa mga magsasaka ng Isabela gamit noon ang isang NGO na Western Isabela and Northern Luzon Foundation Inc.(EDWINLFI).

Magugunita na noong 2006 habang siya ang gobernador ng Isabela ay nagsagawa siya ng programa para sa mga magsasaka upang hindi sila dedepende sa mga usurero at nagpapautang na mga komersiyante.


Naglaan noon ang pamahalaang panlalawigan ng P 25 milyon na pautang na walang interes sa pamamagitan ng EDWINLFI na sabi ay napaboran na NGO ng noon ay gobernadora.

Ang naturang hatol ay ipinamalita ng dating gobernador at COMELEC Commissioner sa kanyang facebook account ngayong umaga ng Nobyembre 15, 2019.

Ayon sa kanyang post, siya ay nahatulan ng pagkabilanggo ng 12-40 na taon at pinagmumulta siya ng 36 milyong piso.

Sa ginawang panayam ng 98.5 iFM Cauayan ay kanyang sinabi na kanya munang binabasa ng maigi ang promulgasyon.

Nang tinanong siya ukol sa alok na tulong ni Senador Kiko Pangilinan ay kanyang binanggit na kanya itong tatawagan pagkatapos na mabusisi ang hatol.

Naging isyu ang kasong ito laban sa kanya noong nakaraang halalan ng Mayo 2019 noong siya ay tumakbo bilang Bise Gobernador ng Isabela.

Facebook Comments