Naniniwala si Dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, na mas maraming pamilyang Filipino ang maghihirap dahil sa online gambling.
Ito’y sa gitna ng pandemya na kinakaharap ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ang pahayag ni Cayetano ay kasunod ng nalalapit na pagpasa ng prangkisa ng dalawang e-sabong firms sa Kongreso.
Aniya, kapag nabigyan na ng prangkisa ang online sabong posibleng simulan na rin ang iba pang-uri ng sugal tulad ng ending at e-casino.
Sinabi ni Cayetano na mas lalong maghihirap ang mahihirap dahil aasa o isusugal na lamang nila ang hawak na pera kung saan magagawa ito anumang oras nila gusto sa pamamagitan ng mga mobile phones.
Iginiit ng kongresista na mas marami pang dapat na unahin ang pamahalaan lalo na sa isyu ng kahirapan at kalusugan ng bawat Filipino.
Matatandaan na una ng umapela si Cayetano sa kapwa mambabatas nito na magkaroon ng plenary discussions sa House Bill 10199 kung saan iminimungkahi rito ang pagbibigay ng 25 taon na prangkisa sa Lucky 8 Star Quest para magsagawa ng online gambling pero tila nagbingi-bingihan ang ilang mga kasamahan nito kaya’t naaprubahan ang panukala noong buwan ng Setyembre.