Sinampahan ng kasong katiwalian ng Office of Ombudsman si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog at Councilor Plaridel Nava II sa Sandiganbayan.
Ito ay matapos na gamitin umano ni Mabilog at Nava ang kanilang posisyon para magsabwatan sa pagbuo ng 3L Towing Services.
Base sa kasong isinampa ng Ombudsman, si Mabilog umano ang naglabas ng initial capital ng 3L Towing Services ng P500,000 habang si Councilor Nava naman ang naghanap ng Supplier ng Wheel Clamps mula China.
Ginamit lang umanong dummy owner ang isang Leny Garcia.
Si Mabilog din umano ang nag-apply ng business at Mayors Permit ng 3L Towing Services habang si Nava ang naghanda sa mga dokumento upang mairehistro ang Towing Services sa Department of Trade Industry o DTI at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Dahil dito, nabigyan umano ng Memorandum of Agreement ang 3L Towing Services mula sa pamahalaang panglungsod ng Iloilo para magsagawa ng clamping at towing sa mga iligal na nakaparada sa lungsod ng walang competitive processes sa itinakda ng Republic Act 6957.
Ginamit din umano nina Mabilog at Nava ang kanilang mga pwesto upang paboran ang 3L Towing Services.
Inatasan umano ni Mabilog si Nava na lumikha ng MOA nang hindi ipinapaloob ang requirements ng RA 6957 at kumuha ng authority mula sa Sangguniang Panglungsod para lumagda sa MOA.
Si Nava naman ang nag-isponsor ng ordinansa upang maamyendahan ang Towing Ordinance ng Iloilo City na papayagan ang towing services na mayroong wheel clamps pumasok sa MOA sa City Government.