Dating Intel Agent ng MIG at Staff Officer ng Isang Politiko sa Cauayan City Isabela, Arestado Dahil sa Kasong Kinasangkutan!

Cauayan City, Isabela – Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang dating Intelligence Agent ng MIG at staff officer ng isang City Councilor matapos mahuli kahapon sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Narciso Isidro, 60 taong gulang, may asawa, residente ng Purok 6, San Fermin, Cauayan City at staff officer ni City Councilor Saldy Foronda ng lungsod ng Cauayan.

Batay sa pangyayari, dinala umano sa himpilan ng PNP Cauayan City ang kapatid ni Narciso na si Felipe Isidro dahil sa reklamo ng asawa nito na lumabag sa RA 9262 o VAWC kung saan ay gumagawa ng hindi maganda sa asawa tuwing nasa impluwensya ng nakakalasing na inumin.


Sa kasagsagan umano ng imbestigasyon kay Felipe ay nakiaalam si Narciso at nagsalita ng masasama laban sa mga pulis na dahilan ng kanyang pagkakaaresto kung saan ay nakuha sa pag-iingat nito ang caliber 45 na may lamang pitong bala at isang magazines na may lamang pitong bala ng caliber 45 mula sa loob ng kanyang sling bag.

Gayunman nagpakilala umano ni Narciso na siya ay isang Intelligence Action Agent at ipinakita ang mission order mula sa Military Intelligence Group 2 na nawalan na ng bisa noong buwan ng Enero taong kasalukuyan, maging ang kopya ng Certificate of Firearms Registration nito na mapapaso sa October 29, 2020.

Sa ngayon ay nakakulong ang dalawang suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong RA 9262 laban kay Felipe Isidro at RA 10591, Obstruction of Justice and Slander laban naman kay Narciso Isidro.

Facebook Comments