Itinanggi ngayon ng isang journalist mula sa Pangasinan ang mga alegasyon na gawa-gawa lamang niya at political propaganda ang inihain na kasong rape kay Arkie Yulde na isang konsehal sa bayan ng Lopez, Quezon.
Sa pahayag ni Jaime Aquino, dating provincial correspondent ng isang broadsheet, sinabi nito na walang kinalaman sina Congresswoman Helen Tan at asawa nito na si Department of Public Works and Highways (DPWH) Director Ronnel Tan sa kaso ni Yulde na taliwas sa isiniwalat na alegasyon ng kaniyang anak na si Justine Aquino sa isinagawa nitong press conference noon sa Makati City.
Itinanggi rin ni Aquino ang mga lumalabas na isyu na siya ang pasimuno sa kasong rape kay Yulde sa Rosario, Pangasinan.
Aniya, pawang kasinungalingan ang sinasabing ng kaniyang 25-anyos na anak kung saan nagpapagamit lamang ito sa ilang tao para kumita ng pera lalo na’t baon ito sa utang dahil sa paggamit ng iligal na droga at may mga kasong kinakaharap sa Pangasinan.
Dagdag pa ni Aquino, hindi marunong magmaneho ang kaniyang anak at nagtapos lamang ito ng high school na taliwas sa inilabas na pahayag nito na tumatayo siyang driver, encoder, layout artist sa bawat lakad niya.
Mariin ding itinanggi ni Aquino na siya at ang kaniyang anak na si Justine ang nagplano sa ikinasong rape matapos pangakuan ng malaking halaga ng mag-asawang Tan.
Ayon pa kay Aquino, nalaman lang niya ang impormasyon sa kaso mula sa isang anti-crime crusader kung saan sinabi nito sa kaniya na may isang 18-anyos na babae mula sa Abra ang lumapit at humingi ng tulong hinggil sa nangyaring paggahasa raw sa kaniya ni Yulde sa loob ng isang motel sa Rosario City sa Pangasinan.
Sa huli, muling iginigiit ni Aquino na lahat ng mga negatibong balita at isyu na ibinabato sa kaniya ay walang katotohanan kung saan hinahamon niya ang lahat ng mga nag-aakusa na maglabas ng ebidensiya.