Dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, hinamon si Sen Risa Hontiveros na patunayan ang pag-uugnay sa kaniya sa ‘Pastillas Scheme’

Hinamon ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Senator Risa Hontiveros na maglabas ng ebidensya na sangkot siya sa “pastillas” money-making scheme sa Bureau of Immigration (BI).

Matatandaang sinabi ni Hontiveros, Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nananatiling person of interest si Aguirre, lalo na at siya ang naglabas ng 2017 visa upon approval (VUA) system na nagpapahintulot sa mga Chinese Nationals na makakuha ng VUA sa Pilipinas at nagpalutang ng pastillas scheme na siyang nagpapasok ng mga Tsino sa bansa kapalit ng lagay o suhol.

Ayon kay Hontiveros, itinalaga ni Aguirre noon ang dalawang dating BI officials, sina Marc Red Marina at kanyang ama na si Maynard, na sinasabing may pakana ng ‘pastillas’ scheme.


Naniniwala si Aguirre na binabalikan lamang siya ni Hontiveros para siya ay makasuhan sa paglabag sa Anti-Wiretapping Act dahil sa pagkuha nito ng litrato sa kaniyang mobile phone messages na walang pahintulot.

Dagdag pa ni Aguirre, nagsasagawa si Hontiveros ng “witch-hunting” at “fishing expedition” laban sa kanya.

Ito aniya ang dahilan kung bakit ayaw tapusin ng senadora ang pagdinig ng kaniyang komite.

Lumabas na sa mga pagdinig ng Senado na itinalaga niya si Marc bilang Chief of BI Ports Operations Division (POD) habang si Maynard ay itinalaga ni BI Commissioner Jaime Morente bilang Special Operations Communications Unit head.

Banat pa ni Aguirre, tanging si Hontiveros at kaniyang whistleblower na si Ramon Tulfo ang nag-uugnay sa kaniya sa modus.

Nanindigan si Aguirre na nananatiling sabi-sabi lamang ang mga pahayag ni Tulfo at hindi nagpasa ng kaniyang sinumpaang salaysay.

Facebook Comments