Dating Kapitan, Dinakip dahil sa paglabag sa ‘Social Distancing’

Cauayan City, Isabela- Arestado ang dating kapitan ng Barangay Punit, Benito Soliven matapos isilbi ng mga awtoridad ang kanyang warrant of arrest sa isang bilyaran sa naturang bayan.

Kinilala ang akusado na si Vicente Verona, nasa hustong gulang, at residente ng Brgy. District 1, Benito Soliven, Isabela.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay PMAJ. Krismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Benito Soliven, dinakip at kinasuhan ng paglabag sa RA 11332 partikular sa hindi pagsunod sa social distancing noong Enero 5, 2021 sa isang bilyaran sa Barangay District 1, Benito Soliven.


Matapos maisampa ang kaso laban sa kanya ay pansamantalang nakalaya ang naturang suspek at kaninang umaga ay muli siyang dinakip sa parehong lugar sa naturang barangay matapos lumabas ang mandamiento de aresto nito.

Agad itong dinala sa himpilan ng pulisya at isinagawa ang booking procedure at nakatakdang ipresenta sa hukuman para sa kaukulang disposisyon.

Nagpaalala naman ang kapulisan ng Benito Soliven na walang sasantuhin sa pagpapatupad ng batas lalong-lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments