Dating kongresista ng Isabela, kinasuhan sa iligal na paggamit ng PDAF

Manila, Philippines – Sinampahan na ng kaso sa Sandiganbayan si dating Isabela Cong. Anthony Miranda at 7 iba pa dahil sa umano’y iregularidad sa paggamit Priority Development Assistance Fund o PDAF noong 2007.

Kinasuhan si Miranda ng tig-2 bilang ng kasong graft at malversation kasama ang mga opisyal ng Technology Resource Center na sina Antonio Ortiz, Dennis

Cunanan, Marivic Jover, Belina Concepcion, Francisco Figura, gayundin sina Domingo Mamauag at Edison Sabio.


Sa magkahiwalay na charge sheets, inakusahan ng Ombudsman si Miranda na inilaan ang kanyang PDAF noong January at February 2007 sa Aksyon Makamasa Foundation Inc. na ito rin ang nangangasiwa kasama sina Mamauag at Sabio bilang project partner para sa implementasyon ng kanyang livelihood projects sa distrito.

Aabot ang kabuuang halaga ng pondo sa mahigit 20 million pesos.

Gayunman, hindi ito dumaan sa public bidding bukod pa sa hindi accredited ang AMFI para magpatupad ng proyekto.

Lumabas rin sa imbestigasyon na non-existent ang mga proyektong sinabing pinondohan ng pork barrel ni Miranda.

Inorekomenda naman ang kabuuang 140 thousand na pyansa kay Miranda at sa mga co-accused nito sa kaso at dagdag na hiwalay na 60 thousand para sa graft charges nito.

Facebook Comments