Dating Konsehal ng Cordon, Isabela, Patay sa Pamamaril!

151

*Cordon, Isabela-* Dead on Arrival ang dating konsehal ng bayan ng Cordon, Isabela matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek pasado alas kwatro kaninang hapon sa brgy. Turod Norte, Cordon, Isabela.

Kinilala ang napatay na si Jose Bugbog, nasa tamang edad, dating konsehal ng Cordon, Isabela at residente ng brgy. Wigan, Cordon, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Christopher Danao, ang hepe ng PNP Cordon, binabaybay umano ng biktima ang kahabaan ng brgy Turod Norte patungo sa munisipyo ng Cordon kasama ang tatlo pang indibidwal lulan ang kanyang Isuzu Hilander nang bigla umano itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek lulan ang walang plakang SUV na agad ring umalis patungong Santiago City.

Aniya, nasa isa hanggang dalawang tama ng baril ang tinamo ng biktima sa itaas na bahagi ng kanyang kili-kili na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ayon pa sa hepe, personal at may kaugnayan umano sa trabaho ng biktima ang kanilang tinitignang anggulo sa motibo ng pagpatay sa dating konsehal maging ang haka-hakang kakandidato umano ito sa halalan 2019 subalit ayon umano sa COMELEC ay hindi pa ito nag-file ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).

Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat ng PNP Cordon hinggil sa tunay na motibo ng pamamaril at para sa pagkakakilanlan na rin ng mga suspek sa nasabing pamamaslang.

Facebook Comments