Dating Kumander ng NPA, Nakiusap sa mga Estudyante na Huwag Sumapi sa NPA!

Cauayan City, Isabela- Nakikiusap ang dating kumander ng New People’s Army (NPA) sa mga estudyante na huwag sumapi sa NPA.

Sa naging pahayag ng panauhing pandangal na si Ka Lola, dating kumander ng NPA at National President ng People’s Advocacy for Collaboration and Empowerment (Peace) sa isinagawang Campus Peace and Development Forum sa Isabela State University Angadan ay iginiit nito na may ilan pang mga estudyante at guro ang nililigawan ng rebeldeng grupo na sumapi sa kanilang hanay.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ka Lola, sa sampung taon umano niyang pamamalagi sa kabundukan at pakikibaka sa gobyerno ay hindi na umano niya masikmura ang karahasang ginagawa ng kanilang grupo.


Pinaalalahanan din nito ang mga mag-aaral na huwag makialam sa problema ng pamahalaan dahil wala pa umano silang kakayahan para tugunan ang mga ito.

Nakiusap din siya sa mga guro na bantayan ang kanilang mga estudyante upang hindi malinlang ng makakaliwang grupo.

Ayon naman kay Lt.Col.Augusto Padua, Commander ng TOG 2, Philippine Air Force ay naniwala ito na ‘Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan’ kung kaya’t inilunsad ang programng Campus Peace and Development forum upang paalalahanan at payuhan ang mga estudyante na huwag sumapi sa NPA.

Aniya, nagsisilbi kasing breeding ground ng NPA ang mga paaralan at unibersidad na madaling makahikayat ng mga kabataan na mga nasa murang edad.

Facebook Comments