Manila, Philippines – Bagamat aminado si Labor Undersecretary Joel Maglunsod na hindi madali ang kanilang laban kontra kontrakwalisasyon, siniguro naman nito na ginagawa nila ang kanilang makakaya upang matuldukan ito sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Maglunsod, bilang isang dating nakikipaglaban para sa ikaaalis ng kontrakwalisasyon sa bansa, batid niya ang nais mangyari ng mga kapwa niya manggagawa, ngunit mayroon aniyang mga kailangang ikunsidera gaya ng batas na pumapabor sa mga employer at legal na porma ng kontrakwalisasyon.
Gayunpaman, ayon kay Maglunsod, mananatili siyang kaisa ng mga mangagawa, at priyoridad pa rin niya ang laban kontra dito.
“Iyon ang mandate ng Department of Labor and Employment. Depensahan, proteksyunan, serbisyuhan ang mga mangagawa. Iyon ang pinaka principal, ‘yun ang sinusulong namin. Iyon ang sinusulong ko personal. Hindi mawawala ‘yon.” USEC Maglunsod.
Ayon kay Maglunsod, kailangan munang maamyendahan ang batas na pumapayag sa mga sub at labor contracting, dahil ito lang naman ang pumipigil para maisakatuparan ang kanilang hangarin.
Kaugnay nito, sinabi ni Maglunsod na patuloy ang ginagawa nilang pakikipagugnayan sa mga Labor groups at nananatiling bukas ang tanggapan ng DOLE sa hinaing ng mga manggagawa.