DATING LIDER NG COMMUNIST TERRORIST GROUP, NADAKIP

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang dating lider ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos itong mahuli sa Brgy. Ditumabo, San Luis, Aurora.

Sa pinagsanib na pwersa ng 91st Infantry “Sinagtala” Battalion (91IB), Philippine Army; Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 3; 1st Provincial Mobile Force Company ng Nueva Ecija at Aurora, at ang San Luis Police Station at Aurora Police Provincial Office ay nadakip ang dating kalihim ng Aurora Provincial Committee at Central Luzon Regional Committee ng communist terrorist group (CTG) na si Delfin Pimentel.

Ayon kay Lieutenant Colonel Reandrew P. Rubio, Commanding Officer ng 91IB, ang pagkakaaresto ng 62 taong gulang na dating rebelde ay resulta ng pakikipagtulungan ng mga law enforcement agencies na matanggal ang banta ng mga terorista sa komunidad at pagbabantay sa lugar para mapanatili ang kaayusan at seguridad ng mamamayan.


Dinakip si Pimentel sa bisa ng Warrants of Arrest para sa mga kasong Destructive arson na inisyu ng Regional Trial Court Branch 35, Santiago City at Attempted Homicide na inisyu naman ng MTC-Pantabangan, Nueva Ecija.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang kasong Destructive Arson habang nasa halagang Php24,000.00 naman ang piyansa sa kasong Attempted Homicide.

Una nang nakulong sa provincial jail si Pimentel noong taong 2009 at nakalaya lamang noong 2016 dahil sa kasong Rebellion.

Si Pimentel ay itinuring din na Most Wanted Person ng PNP noong 2009 at may patong sa ulo na P2.6 Milyon.

Nasangkot din si Pimentel sa pag-ambush sa mga opisyal ng militar sa Probinsya at pagpatay sa pitong (7) miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ang kasong pagpatay ni Pimentel ay nag-ugat nang pangunahan umano nito ang pananambang sa sinasakyan ng mga sundalo kasama ang ilang sibilyan habang bumabaybay sa bulubunduking bahagi ng Sierra Madre sa Barangay Diteki, San Luis noong ika-9 ng Pebrero taong 2009.

Tatlong (3) sundalo ang namatay sa nasabing ambush habang isang sundalo at dalawang sibilyan ang nasugatan.

Samantala, hinihikayat naman ng pinuno ng 7th Infantry Division, Philippine Army na si Major General Alfredo V. Rosario Jr. PA ang mga kasapi ng CTG na mayroong mga kinakaharap na kaso na sumuko na sa mga otoridad at harapin na lamang ang kaso.

Facebook Comments