Dating Manila mayor, nagpaliwanag sa isyung baon sa utang ang Maynila

Manila, Philippines – Nilinaw  ni dating Manila Mayor Joseph Estrada na hindi bangkarote ang lungsod ng Maynila nang bumaba siya sa tungkulin noong Hunyo 30 ngayong taon.

Sa press statement, sinabi ni Estrada na noong June 28, 2019,  ay may pinalabas na certification si Manila city treasurer Josephine Daza na may P10.3 bilyon na pondong naiwanan sa pagtatapos ng kanyang termino.

Paliwanag pa ni Estrada, nagpalabas din ng isa pang sertipikasyon si Daza noong July 1, 2019 sa unang araw ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno-Domagoso na ang pondo ng Maynila ay higit sa P10.3 bilyon.


Kumpiyansa aniya siya na higit pa sa P10.3 bilyon ang kanyang naiwang pondo para sa mga bayarin ng lungsod.

Kaugnay nito, hinihiling ni Estrada sa kanyang  city accountant  na siya ring  city accountant ng kasalukuyang  administrasyon  na mag-ulat hinggil sa  mga naiwanang bayarin.

Sa pamamagitan lamang aniya nito, matitiyak kung sapat ang P10.3 bilyon.

Nagtataka rin aniya siya  kung paano nagkaroon ng cash deficit ang Maynila gayong ang pahintulot ng paglalabas ng mga pondo ay per quarter.

Ang bawat gastusin aniya para sa infra projects at supplies ay may angkop sa Certificate of Availability of Funds or Cash.

Masusing pinag-aaralan umano ng Office of the City Accountant ang mga supporting documents bago sila magbayad ng anumang bayarin.

Paglilinaw pa ni Estrada sa nakaraang anim na taon, ang bawat Commission on Audit (COA) audit memo na natatanggap ay agad  sinasagot at natutugunan ng mga kinauukulang department head ayon sa  pamantayan.

Kasabay nito ay pinakiusapan ni Estrada ang mga dati niyang department heads na laging maging makipagtulungan sa liderato ni Moreno at sa COA para sa kapakinabangan ng lungsod at ng mga mamamayan ng Maynila.

Umaasa si Estrada na ang mga pahayag niya ay magbibigay linaw sa mga isyu at maitama ang mga maling paniniwala.

Facebook Comments