Naninindigan ang convicted rapist at killer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na wala siyang kinalaman sa panghahalay at pagpaslang sa dalawang estudyante ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB) noong Hunyo 1993.
Sa panayam kay Sanchez sa loob ng New Bilibid Prison nitong Biyernes, muli niyang iginiit na naakusahan lamang siya at biktima din ng naturang krimen.
Ako’y nakikisimpatiya doon sa mga Gomez at doon sa Sarmenta. Naaawa ako sa kanila. Ang mabigat lang, pareho na lang kaming biktima. Bakit? Eh kung sila ma’y hindi maniwala na ako’y biktima, nasa kanila na ‘yon. Kasi hanggang ngayon wala pa silang katarungan eh,” ani Sanchez.
“Kung ako ay may kasalanan, on the spot sumpain na Niya ako ngayon. Ako ang dapat na bigyan ng sumpa at ako’y nagsisinungaling. Ang aking apo ay 21, pati mga anak ko nasa abroad. Mamatay na rin lahat sila, kung ako’y totoong may kasalanan na sinasabi nila,” dagdag pa niya.
Magugunitang dinakip si Sanchez matapos siyang ituro ng mga saksi bilang mastermind sa karumal-dumal na sinapit nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Taong 1995, sinentensyahan ng pitong ulit na reclusion perpetua ang noo’y alkalde ni dating Pasig RTC Judge Harriett Demetriou.
Nabuhay ulit ang kontrobersiya nang inanunsyo ng Department of Justice na maari siyang makalaya dahil sa “good conduct time allowance” habang nasa loob ng bilangguan.
Ayon kay Sanchez, mahigit dalawang dekada na siyang nagtiis sa kasalanang hindi niya umano ginawa at nararapamat lamang na makinabang sa bagong batas.
“Kung talagang susundin ang batas makakalaya na po ako… Marami na po akong nagawang kabutihan, sa simbahan, lahat ng tulong binibigay ko,” pahayag ng convicted murderer at rapist.