Nanumbalik lahat ng sakit ni Maria Clara Sarmenta, ina ng ginahasa at pinatay na estudyante ng University of the Philippines-Los Banos (UPLB) na si Mary Eileen, nang mabalitaang posibleng makalaya ang taong lumapastangan sa sariling anak.
Ayon kay Sarmenta, hindi nila napigilan sariwain ang mapapait na alaala at poot na naramdaman habang nililitis si noo’y Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Itinurong mastermind si Sanchez sa karumal-dumal na pagpaslang kina Mary Eileen at kasama nitong si Allan Gomez noong Hunyo 21, 1993.
“Hanggang ngayon, di pa namin siya nakikitaan ng pagsisisi… Walang remorse sa kaniyang ginawa,” sambit ng nanay ng dalagang pinaslang.
Ibinunyag din ni Sarmenta na wala silang natanggap ni-isang kusing na kabayaran sa danyos-perwisyong ipinataw sa kampo ng dating alkalde.
Bunsod nito, kinuwestiyon niya kung may umiiral pa bang hustisya sa bansa.
“It seems that our justice system, parang unfair. They are more inclined dun sa criminal kaysa doon sa partido ng biktima,” pahayag ni Sarmenta nitong Huwebes ng umaga.
Matatandaang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Gueverra na maaring makalabas ng selda si Sanchez dahil sa umano’y magandang asal na kaniyang ipinakita.