Sunday, April 5, 2026

Senador, pinamamadali ang pagbibigay ng ayuda sa mga mangingisda

Pinamamadali ni Senate Committee on Agriculture Chairman Kiko Pangilinan sa Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng ayuda sa mga mangingisda na lubhang apektado ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ito’y matapos aminin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagdinig ng Senado na hindi lahat ng mga mangingisda ay mabibigyan ng fuel subsidy kaya humihingi rin sila ng dagdag na P25 million para sa fuel assistance sa mga mahihirap na local fisherman.

Tinukoy ni Pangilinan na mayroong P10 billion ang DA sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolks pero hindi pa ito nagagamit dahil wala pang guidelines.

Agad na ipinalalabas ng senador ang guidelines sa financial assistance at ipinasasama ang fuel assistance para sa mga mangingisda.

Bagama’t mayroong P75 million na ayuda sa ilalim ng budget ngayong taon, kukulangin pa rin ito dahil P3,000 lang ang matatanggap ng bawat 15,000 na mangingisda at ang pinagbatayan pa ng financial assistance ay hindi ang kasalukuyang taas presyo ngayon ng petrolyo.

Facebook Comments