Dating MRTA general manager, naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban kay Ombudsman Conchita Morales

Manila, Philippines – Hiniling sa Korte Suprema ni dating Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) general manager Al Vitangcol III na patigilin si Ombudsman Conchita Carpio Morales sa pagtupad sa kanyang functions sa Office of the Ombudsman.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni Vitangcol sa Supreme Court na ideklarang expired epektibo noong November 30, 2012 ang posisyon ni Morales at i-obliga ito ng cease and desist sa kanyang tungkulin.

Iginiit ni Vitangcol na batay sa batas, ipagpapatuloy lang naman ni Morales ang iniwang puwesto ni resigned Ombudsman Merceditas Gutierrez.


Si Gutierrez ay nag-resign noong May 6, 2011 para makaiwas sa impeachment trial sa Senado at nagtapos na ang termino nito noong November 30, 2012.

Partikular na pinadedeklara ni Vitangcol sa Korte Suprema ang Section 8 (3) ng Republic Act 6770 o Ombudsman Act of 1989.

Sa ilalim aniya ng nasabing batas, obligado lamang ang bagong appointee na ituloy ang termino ng kanyang predecessor.

Magugunitang nitong Hunyo, naghain din ng petisyon sa Korte Suprema ang abogadong si Rey Ifurung para hilingin sa Kataas-Taasang Hukuman na ideklarang bakante ang lahat ng pwesto sa Office of the Ombudsman dahil pawang overstaying ang mga nakapwesto dito.

Facebook Comments