Tila kapit-tuko sa kanyang posisyon bilang dating Chief administrative Officer ng National Center for Mental Health(NCMH) sa Mandaluyong City si Clarita Avila.
Ito ang naging obserbasyon ng mga tumutuligsa kay Avila sa kabila ng utos ng Department of Health na lumipat sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Las Piñas City.
Matatandaang, binulabog ni Avila noong nakaraang buwan ang NCMH dahil sa Facebook post nito. Ang nasabing post ay naglalaman ng kanyang mga alegasyon laban sa mga namamahala sa NCMH. Nabatid na kalaunan ay napag-alaman na walang basehan ang mga paratang nito. Tinawag tuloy ng mga may disgusto sa kanya na “fake news” ang mga akusasyon nito laban sa NCMH.
Dahil sa mapanirang alegasyon ni Avila ay naisiwalat tuloy ang mga kasong naisampa laban sa kanya sa loob ng mahigit tatlumpung taong pagiging kawani nito ng NCMH.
Nabatid na hindi bababa sa 7 ang mga kontrobersyal na mga kaso na kinasasangkutan nito Kabilang ang nepotism, serious dishonesty and falsification of documents, at graft and malversation. Sa naturang mga kaso ay 5 kaso ang nakasampa sa Office of the Ombudsman (OMB) at 2 naman sa Legal Service ng Department of Health (DOH).
Sinasabing ang mga naturang asunto ang naging batayan ng DOH para ilipat muna si Avila sa ibang tanggapan.
Nabatid na March 9 ay nalagdaan na ng kinatawan ng DOH ang Department Personnel Order No. 2020-1078 na nagsisilbing transfer order ni Avila.
Pinaliwanag sa nasabing kasulatan na pinapalipat na si Avila sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Las Piñas City. April 14 nang tanggapin nito ang transfer order.
Tumanggi rin umano ito na lisanin ang two-storey cottage sa loob ng NCMH Complex. Binigyan siya ng pribilehiyo na manirahan doon ng libre dahil miyembro siya ng NCMH Executive Committee. Ngayong hindi na ito kabilang sa naturang komite at dahil sa transfer order ay nararapat na umanong umalis si Avila sa nasabing cottage.
Sa kabila ng naturang kautusan ng DOH ay umaasta pa rin daw ito bilang chief administrative officer ng NCMH. Tuloy din umano ang mga utos nito sa mga empleyado ng ospital.
Nabatid na may isang memo pa itong inisyu noong May 4 kung saan inutusan niya ang mga kinatawan ng Material Management Section, Property & Procurement Section, Transport/Motorpool Section, at Linen & Laundry Section na naka-addres sa isang Melba Recentes na ang posisyon ay matagal nang pinalitan ng isang Ernie Espinosa.
Taliwas din sa kaalaman ni Avila na si Mrs. Erlinda Espinosa na ang Official OIC ng administrative service, kayat hindi sinusunod ng mga kawani ng ospital ang utos nito na magsumite sa kanya ng accomplishment report.
Bigo rin si Avila na magsumite ng kanyang performance report mula January hanggangDecember 2019 na labag sa batas ng Civil Service Commission. Ang dahilan naman nito ay hindi daw niya kinikilala ang Medical Center Chief ng NCMH dahil hindi raw ito Psychiatrist.
Hindi tuloy mapigilan na itanong ng iba sa tila pambabastos nito at pagmamaliit kay Usec. Roger Tong- An na aniya ay hindi naman daw ito Doctor kundi isang Nurse lamang at walang karanasan sa gobyerno. Marami naman ang dismayado sa pag-papanggap umano ni Avila sa Media na isa siyang Doctor of Medicine.
Sa kasalukuyan, isa ang NCMH sa mga ospital na tumutulong sa paglaban sa COVID-19. Ito siguro ang dahilan kung bakit hindi pa mapagtuunan ng pansin ang pagpapaalis kay Avila sa NCMH.
Malinaw umano na sinasamantala ni Avila ang sitwasyon upang patuloy niyang makuha ang mga benepisyo na hindi na nito dapat pang matanggap. Isa unano itong pagbalahura sa awtoridad ng DOH at sa mga batas na pinapatupad ng Civil Service Commission (CSC).