Dating nobyo, suspek sa brutal na pagpatay kay Christine Silawan, nag-disguise – NBI

Nagpanggap na ibang tao at gumawa ng Facebook account ang dating nobyo ng pinatay na si Christine Silawan sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Ayon kay Tomas Enrile, Regional Director, National Bureau of Investigation (NBI)-Region 7, sinuri nila ang FB messages kay Silawan at nakita nila na tila may bagong manliligaw ang 16-anyos na biktima.

Aniya, nang makapalagayan na ng loob ni Silawan ang bagong kaibigan sa FB, nagkasundo silang magkita sa labas ng simbahan noong gabi ng Marso 10.


Pero ang dumating sa lugar ay ang 17-anyos na dati niyang nobyo at suspek ngayon sa karumal-dumal na pagpatay sa biktima.

Sa ilang kuha ng CCTV, sinabi ni Enrile na mapapansin na tila nagtatalo ang biktima at ang suspek.

Paliwanag ni Enrile, patuloy naman nilang inaalam kung bakit sumama ang biktima sa suspek na umamin na sa krimen.

Itinuro rin aniya ng suspek ang dalawa pa niyang kasama, na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Facebook Comments