Ilang int’l flights ng PAL, ililipat sa NAIA Terminal 1

Simula Marso 31, ililipat na ng Philippine Airlines (PAL) ang ilan nilang international flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Sa abiso ng PAL, isasagawa ang paglipat sa lahat ng flight departure at arrival patungo at galing sa New York sa USA, Auckland sa New Zealand, Hanoi sa Vietnam at Phnom Penh sa Cambodia.

Pansamantala namang ipagpapatuloy ang flight departure patungong New York sa Terminal 2 habang flight arrival naman sa Terminal 1 mula araw ng Martes, March 19, hanggang March 30.


Itutuloy din ang flight departure at arrival sa Auckland sa terminal sa nasabing petsa.

Maliban sa mga nabanggit na biyahe, mananatili naman ang terminal assignments ng ibang international flights.

Sinabi pa ng PAL na makatutulong ang operational adjustments sa nararanasang passenger congestion sa mga terminal ng NAIA.

Facebook Comments