Dating opisyal ng Malakanyang, isa umano sa mga abogado ng magkapatid na Dargani ng Pharmally

Nananatiling nakakulong sa Senado ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani ng Pharmally Pharmaceutical Corporations.

Kanilang ipinaalam sa Senate Blue Ribbon Committee na mayroon silang apat na abogado kung saan ang isa ay si Atty. Daryll Ritchie Valles.

Ayon kay Committee Chairman Senator Richard Gordon, kahapon ay dumalaw na sa magkapatid na Dargani si Atty. Valles at una nitong itinanggi ang lumitaw sa directory ng Office of the President na ito ay Director IV sa office of the Special Assistant to the President o SAP na posisyong hawak dati ni Senator Christopher “Bong” Go.


Matapos ang pagbisita at ng muling tanungin ng mga miyembro ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSSA) ay inamin na ito ni Atty. Valles.

Nagtataka si Gordon kung bakit kailangang magkunwari o itanggi ni Atty. Valles na dati siyang nagtrabaho sa Office of the President

Sabi ni Gordon, ang pagtatangka na itago ang naturang impormasyon ay nagdulot ng mas maraming katanungan.

Samantala, sumulat naman ang magkapatid na Dargani kay Senador Gordon at inireklamo ang pagkumpiska ng nga tauhan ng OSSA sa kanilang tatlong cellphones at pasaporte.

Hiling nina Mohit at Twinkle ibigay ang nabanggit na mga personal nilang kagamitan sa kanilang ina.

Iginiit ng Dargani siblings na walang legal na basehan para patuloy iyong hawakan ng OSSA dahil hindi naman yun kontrabando kaya hindi dapat kumpiskahin bukod sa banta sa kanilang privacy na hawak ito ng ibang tao.

Facebook Comments