Nagdesisyon ang ilang mga kilalang bisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) na hindi na dadalo ng pisikal sa Batasan Complex sa Lunes.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, kabilang na rito si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na noong una ay nagpasabing “physically” ay pupunta sa huling SONA ni Duterte.
Ngunit nagpaabiso ang dating presidente na sa pamamagitan na lamang ng video conferencing makikibahagi sa SONA.
Maging si Vice President Leni Robredo ay nagpaabisong “via zoom” na lamang ang paglahok sa ulat sa bayan ng pangulo.
Samantala, sinabi ni Mendoza na hinihintay pa ng Kamara kung pisikal ding makakadalo o via online na lamang si dating Pangulong Joseph Estrada.
Batay naman aniya sa listahan, nasa 120 hanggang 130 na kongresista ang pisikal na makakadalo sa SONA, habang ang ibang bisita na natitira sa listahan ay mga senador, miyembro ng gabinete, diplomatic corps, grupo ng mga gobernador at iba pang bisita ng Malakanyang.
Nauna nang inanunsyo ng Kamara na dapat fully-vaccinated na ang mga pisikal na dadalo sa SONA, may negatibong RT-PCR result, negative result ng antigen test at mahigpit na susunod sa iba pang health protocols kontra COVID-19.