Pinaiimbestigahan muli ng Supreme Court (SC) sa Office of the Ombudsman si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada hinggil sa mga bank accounts nito at ng kaniyang mga mistresses.
Ito ay kasunod ng pagbasura ng SC sa petisyon na inihain ng Philippine National Bank (PNB) kung saan iginiit nito na nagkamali ang Court of Appeals (CA) sa hatol nito noong 2006 na tinanggihan ang kanilang pakiusap na pigilan ang ombudsman na pilitin si Estrada at ang kaniyang umano’y mistresses na ilabas ang kanilang mga bank account.
Ang mga naturang bank records nina dating San Juan City Mayor Guia Gomez, Laarni Enriquez, Joy Melendrez, Peachy Osorio, Rowena Lopez, Kevin o Kelvin Garcia at Jose Velarde ang magiging paksa ng pagsisiyasat ng ombudsman sa pagsisikap nitong imbestigahan si Estrada matapos itong magbitiw bilang pangulo noong 2001.
Ayon sa SC, walang kapangyarihan ang CA na suriin ang mga utos at desisyon na ginawa ng ombudsman lalo na’t kung nasasangkot sa mga kasong kriminal o hindi pang-administratibo.
Pagdidiin pa ng nasabing ahensya na si Estrada ay nahatulan ng kasong kriminal matapos itong mapatunayang guilty sa plunder.
Dagdag pa ng SC, may kapangyarihan ang ombudsman na tingnan ang mga bank account ng mga pampublikong opisyal at empleyado na iniimbestigahan ng pamahalaan.