Dating PCGG Chair Sabio, hindi na kailanman makauupo sa anumang posisyon sa gobyerno

Habambuhay nang hindi makauupo sa anumang posisyon sa gobyerno si dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio.

Ito ay matapos magdesisyon ang Supreme Court En Banc na ibasura ang Petition for Certiorari na inihain ni Sabio na kumukontra sa hatol laban sa kanya ng Court of Appeals.

Una nang nakita ng CA na guilty sa kasong Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service si Sabio.


Nag-ugat ang kaso sa reklamong administratibo ng Ombudsman laban kay Chairman Sabio na nagtangka umanong impluwensiyahan ang aksyon ng CA sa pamamagitan ng kanyang kapatid na si Justice Jose Sabio Jr., sa kaso sa pagitan ng Meralco at Government Service Insurance System (GSIS).

Ang pananagutan na ito ni dating Chairman Sabio ay pinagtibay ng Court of Appeals kaya’t dumulog sa Korte Suprema ang dating pinuno ng PCGG.

Napatunayan ng SC na nagawa ni Sabio ang mga paglabag nang gamitin niya ang posisyon, kapangyarihan at impluwensiya bilang pinuno ng mahalagang ahensiya hindi lamang para makuha ang kanyang unprofessional na layunin kundi upang magbigay impresyon na ang hustisya ay hindi lamang bulag at sa halip ay madaling mabaluktot at mamanipula sa kagustuhan ng makapangyarihan at mga may koneksyon.

Dahil wala na sa serbisyo si Sabio, ipinalalagay ng Korte Suprema sa kanyang 201 file sa Civil Service Commission ang parusa sa kanyang paglabag, kasama na ang pagkansela sa kanyang civil service eligibility at pag-aalis sa retirement benefits.

Facebook Comments