Manila, Philippines – Pormal nang nagsampa ng kasong libelo si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte laban kay Dating PCSO Chairman Manuel Morato at sa pahayagang Saksi dahil sa mali at malisyosong ulat na inilathala noong Pebrero 15, 2019.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, ang legal counsel ng bise alkalde, nag-ugat ang paghahain ng kaso sa QC Prosecutors Office ng naiulat na nagpasa ng isang resolusyon ang Bise Mayor para sa kapakinabangan ng kanyang mga kapatid .
Sinasabi sa ulat ng pahayagan na nagsabwatan ang magkakapatid na Belmonte para ipatayo ang 21 storey building sa kinalalagyan ng kanyang Ancestral house sa Barangay Sacred Heart Quezon City.
Sinabi ni Belmonte na pawang kasinungalingan ang lumabas na ulat at pakay lamang nito para siya ay siraan.
Malinaw din aniya na isang kaso ng forum shopping ang ginagawa ni Morato dahil dalawang beses nang ibinasura ng Department of Justice at City Prosecutor ang kanyang reklamo.
Aniya, ang sinasabing naprubahang resolusyon # 7685 na iniakda ni QC Councilor Marvin Rillo ay napagtibay ng Konseho noong ang presiding officer ay si 1st Majority Floor Leader Alexis Herrera at wala anya siyang kinalaman sa lupang sinasabi sa report.