Tinawag na professional liar ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., si dating Philippine Drug Enforcement Agency Investigation Agent Jonathan Morales.
Si Morales ang nag-aakusa kay Pangulong Marcos Jr., at aktres na si Maricel Soriano na gumagamit umano ng iligal na droga, batay sa sinasabing nag-leak na dokumento noong 2012.
Sa ambush interview kay Pangulong Marcos Jr., sa pagbisita nito sa General Santos City, sinabi nito na walang saysay ang mga pinagsasasabi ni Morales na kilalang professional liar.
Ipinunto ng pangulo ang mga kaso nitong false testimony kaya mahirap na aniyang paniwalaan ito lalo na’t tila ang pagsisinungaling din ang kaniyang ikinabubuhay.
Inihalimbawa pa ng Pangulong Marcos Jr., si Morales sa isang jukebox na huhulugan ng pera para kantahin kung ano ang gusto.
Noong isang araw, sinita na rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang nagpapatuloy na pagdinig sa Senado kaugnay sa ‘PDEA leaks’ kung saan nagpaalala ito sa mga kasamahan na maging maingat lalo na kung wala namang mga matibay na ebidensya at para hindi magamit sa pamumulitika.