Hinatulang “guilty beyond reasonable doubt” ng Sandiganbayan si dating PNP Chief Jesus Verzosa dahil sa kasong graft.
Ang kaso ay nag-ugat sa maanomalyang pagbili ng police motor boats at outboard motors noong December 18, 2009.
Nakasaad sa resolusyon na hindi dumaan sa public bidding ang kontrata sa tatlong suppliers na pinaburan – ang Environaire Inc., Geneve Phils., at Bay Industrial Phil. Corp.
Aabot sa ₱131 million ang halagang nalugi sa pamahalaan.
Kasama rin sa nahatulang guilty sina Benjamin Belarmino, Jefferson Soriano, Luizo Ticman, Romeo Hilomen at Villamor Bumanglag.
Sa 88 pahinang desisyon ng Sandiganbayan Third Division, pinatawan ng anim na taon hanggang walong taong pagkakakulong sina Verzosa.
Ipinagbabawal na rin sa mga respondents ang paghawak ng anumang posisyon sa public office.
Napawalang sala naman ang co-accused ni Verzosa na si Ronald Roderos dahil bigo ang prosekusyon na mapatunayan ang kaso laban dito.
Pumanaw naman ang isang kapwa akusado na si Herold Ubalde kaya otomatikong ibinasura ng korte ang kaso nito.