Dating political detainee at hepe ng Human Rights Commission na si Etta Rosales, hinamon ang mga Marcos na huwag gawing spokesman ang Pangulo

Manila, Philippines – Duda si dating Akbayan Representative Etta Rosales sa timing ng pag-anunsyo ni President Rodrigo Duterte na handa ang mga Marcos na isauli ang kanilang sinasabing nakaw na yaman.

Ayon kay Rosales, nagtataka siya kung bakit si Pangulong Duterte ang nagsasalita para sa mga naulila ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Marami aniyang binabanggit ang Pangulo, tulad ng mga isasauling gold bars pero nanatiling tikom ang bibig ng mga Marcos.


Kaduda-duda aniya dahil kailanman ay hindi umamin ang mga Marcos na galing sa nakaw ang kanilang yaman.

Kung totoo man aniya ang sinabi ni Duterte, hindi dapat magtapos sa pagsasauli ng ill-gotten wealth ang usapin.

Dapat ay arestuhin at litisin ang mga Marcos dahil mistulang pag-amin ito na nangulimbat sila sa panahon na ang ama nila ang humawak sa renda ng pamamahala.

Si Rosales ay isa mga aktibista na lumaban sa Martial Law noong panahon ni Marcos at nagsulong para sa bayad pinsala ng mga human rights victims noon.

Facebook Comments