Dating PS-DBM Chief Lloyd Christopher Lao, kinumpirmang lagda niya ang makikita sa ilang mga dokumento kaugnay sa pagbili ng overpriced na laptops

Kinumpirma ni dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Head Lloyd Christopher Lao na pirma niya ang nakalagay sa ilang mga dokumento kaugnay sa pagbili ng overpriced na laptops para sa Department of Education (DepEd).

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, “physically” o personal na humarap si Lao sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa biniling P2.4 billion na overpriced laptops para sa mga public school teacher.

Sa pagtatanong ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino ay pinakumpirma nito kay Lao kung sa kanya ang mga lagda na makikita sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DepEd na may petsang February 16, 2021 at isang dokumento noong April 29, 2021 na ipinadala kay Education Usec. Alain Pascua para sa scheduling at follow up ng pagbili ng mga laptop.


Nang masuri ang mga dokumento ay agad namang kinumpirma ni Lao na sa kanya ang mga lagda at initials na makikita sa mga pahina ng MOA at sa kanya rin ang lagda sa liham kay Pascua.

Sinabi rin ni Lao na sa kanyang pagkakaalala ay madalian niyang pinirmahan partikular ang kasunduan para sa pagbili ng laptops dahil ito ay ‘urgent’ sa ilalim ng Bayanihan 2 Law na mapapaso noon sa kalagitnaan ng taong 2021.

Aminado rin si Lao na nilagdaan niya ang mga dokumento sa kanya lamang opisina at walang presensya ng ibang mga opisyal.

Lumalabas din sa pagdinig na iba’t ibang steps o pamamaraan ang sinusunod ng PS-DBM sa proseso ng procurement na ayon kay Lao ay ito na ang kanilang naabutan sa ahensya.

Facebook Comments