Dating pulis na sangkot sa iba’t ibang krimen, patay sa engkwentro sa Pampanga

Nasawi ang isang dating pulis matapos maka-engkwentro ang mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Pampanga.

Kinilala ni PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel Estomo ang napatay na si Rico Moog Gutierrez, isang dating patrolman at naka-assign noon sa Quezon City Police Disrict (QCPD).

Aniya, magsisilbi lamang sana sila ng warrant of arrest laban kay Gutierrez dahil sa kasong murder nang paputukan nito ang mga aarestong pulis sa Brgy Sta. Monica, bayan ng Floridablanca sa Pampanga.


Gumanti ng putok ang mga pulis dahilan ng pagkamatay ng suspek.

Nagawa pang isugod sa ospital si Gutierrez sa Romana Pangan District Hospital pero idineklarang dead on arrival.

Sa pag-iimbestiga ng PNP-AKG, natanggal sa serbisyo si Gutierrez makaraan siyang iturong nasa likod ng pagpatay sa isang Jaypee De Guzman sa Brgy. Sumanding, San Rafael, Bulacan noong Pebrero nang nakalipas na taon.

Si Gutierrez ay nasa number 2 most wanted person ng Malolos, Bulacan at kabilang rin sa gun for hire group na nag-ooperate sa Gitnang Luzon.

Facebook Comments