Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang dating pulis na sangkot sa pagdukot sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay Police Major Rannie Lumactod, Spokesperson ng AKG, ang naaresto ay si dating Police Officer 3 Allan Formilleza.
Nahuli ito sa tinitirhan niyang subdivision sa Brgy. Caypombo, Sta. Maria, Bulacan kahapon, June 15, 2020.
Mayroon siyang standing warrant of arrest dahil sa mga kasong murder, estafa at theft.
Paliwanag ni Lumactod, miyembro ang suspek ng ‘Gapos Gang’ na ang mga pinupuntirya ay mga opisyal ng BIR sa Metro Manila at Central Luzon.
Modus nila na pasukin ang bahay ng mga opisyal ng BIR at kunin ang mga ari-arian nito o hindi kaya naman ay dukutin ang mga ito.
Sa pag-iimbestiga, natukoy na dating nakatalaga sa Quezon City Police District Station 6 ang pulis bago nasibak sa serbisyo dahil sa Absence Without Official Leave (AWOL) noong nakaraang taon.
Buwan ng Agosto noong nakaraang taon, isang miyembro naman ng malaking kidnap- for- ransom group na sangkot din sa kidnapping ng mga opisyal ng BIR ang nasawi matapos maka -engkwentro ng mga pulis sa Marilao, Bulacan.