Dating Pulis na Tatakbo bilang Mayor at 7 iba pa, Timbog dahil sa Iligal na Droga

Cauayan City, Isabela- Timbog ang isang dating miyembro ng Philippine National Police at pitong (7) iba pa matapos maaktuhang iligal na ibinibiyahe ang bloke-blokeng marijuana pinatuyong dahon ng marijuana kaninang umaga, Oktubre 13, 2021 sa Sadanga, Mountain Province.

Nakilala ang dating pulis na si Sonny Kalaw, 36-anyos na naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-alkalde sa bayan ng Sabangan, Mt. Province para sa halalan 2022.

Una rito, nasakote ng mga ahente ng PDEA at PNP ang grupo ng tatlong kalalakihan na ibibiyahe ang marijuana lulan ng isang sasakyan sa Sitio Ampawilen, Brgy. Poblacion.


Nasa kabuuang 148 bricks ng marijuana at 6 tubes ng dried marijuana leaves na nagkakahalaga ng P18.48 million ang nakuha sa mga suspek na kinilalang sina Jorge Eyawon, 34-anyos; Dario Diway, 23-anyos; at Jake Caesar Linchangan, 19-anyos, na kapwa residente ng Tabuk City, Kalinga.

Kaugnay nito, si Kalaw at kanyang mga kasama na sina Jonathan Abella,37-anyos; Jeric Sansano, 30-anyos; Samson Damaso, 28-anyos at isang 17-anyos menor de edad ang nahuli naman sa hiwalay na lugar ng Sitio Oowayen.

Umabot naman sa 19 bricks ng dried marijuana na nagkakahalaga ng P2.28 milyon ang natagpuan naman sa kanilang sinasakyang van.

Samantala, umabot sa kabuuang 167 marijuana bricks at anim na tubular ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga nahuling suspek.

Siniguro naman ni PDEA CAR Regional Director Gil Castro na iingatan ang Cordillera mula sa mga narco-politicians at hinimok ang publiko na maging mapagmatyag sa mga drug-related activities.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng mga awtoridad ang walong nahuling suspek na mahaharap sa kasong RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments