Cauayan City, Isabela- Dismayado ang dating batikang broadcaster at Isabela Governor Grace Padaca sa naging hatol sa usapin ng prangkisa ng giant network na ABS-CBN.
Ayon kay Padaca, nakakalungkot at nakakatakot dahil kahit malalaking kumpanya at may misyon na importante at kayang-kaya aniyang patumbahin lang.
Pinuna rin ng dating opisyal ang maraming bilang ng kongresista na sana’y may iba’t ibang desisyon subalit tila nagkaroon ng isang kumpas para magdesisyon na hindi mabigyan ng panibagong prangkisa ang network.
Giit pa niya, tila palabas lang ang nangyaring pagdinig sa prangkisa ng kongreso dahil sa huli ay nagkaroon lamang ng iisang desisyon na pumapabor sa hindi pagbabalik sa operasyon ng tv network.
Hindi rin naiwasan ni Padaca na pasaringan ang naging desisyon ng lahat ng kongresista ng Isabela sa hindi pagpabor sa pagbabalik operasyon ng network.
Bukod dito, sinang-ayunan din ni Padaca ang tungkol sa tila ‘landian’ ng dalawang kilalang personalidad ng ABS-CBN noontime show dahil sa hinahayaan lang ang paggawa ng eksena na bawal sana para sa mga manonood na bata.
Inamin din ni Padaca na may malaking naitulong ang pagsasahimpapawid ng ilang teleserye ng network gaya na lamang ng karakter ng aktor na si Gerald Anderson bilang ‘Budoy’ na mentally retarded na ngayon ay higit na nauunawaan ng publiko ang ganitong sitwasyon ng isang tao.
Samantala, inihayag din ng dating batikang broadcaster ang usapin ng patas na pamamahayag para matiyak na walang lalabas na pumapabor sa iisang tao.