Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila si dating Senador Jinggoy Estrada.
Ito ay para mag-sumite ng letter of explanation sa NBI kaugnay ng ginawa niyang pamamahagi ng mga bangus sa Brgy. Salapan, San Juan noong May 3, 2020 na sinasabing paglabag sa quarantine protocols.
Kalakip ng sulat ni Estrada sa NBI ang kopya ng quarantine pass at litrato na patunay na mayroong social distancing na umiral habang namamahagi siya ng mga bangus.
Ayon kay Estrada, ang mga bangus ay galing sa palaisdaan ng kanyang ina sa Zambales at nagdesisyon siyang ipamahagi ito sa mga residente para hindi mabulok.
Aniya, nakasuot din siya ng face mask at Personal Protective Equipment (PPE) habang namimigay ng mga donasyon at hindi niya intensyon na lumabag sa batas.
Naniniwala rin si Jinggoy na may halong pulitika ang pagkaka-aresto sa kanya.