Pumanaw na nitong Biyernes ang dating mambabatas at aktor na si Ramon Revilla Sr. dahil sa heart failure. Siya ay 93 taong gulang.
Sa Facebook Live, kinumpirma mismo ni Senator Ramon “Bong” Revilla. Jr ang pagpanaw ng ama pasado alas-5 ng hapon.
“Wala na po ang tatay ko, please pray for him,” emosyonal na pahayag ng actor-politician.
Ipinasilip din niya sa publiko ang ilang tagpo sa hospital room, ilang oras matapos bawian ng buhay ang nakatatandang Revilla.
Matatandaang isinugod si Revilla Sr. sa pagamutan noong nakaraang buwan dulot ng hirap sa paghinga, na naka-confine ng halos isang linggo.
Pagkaraan ng ilang araw ay inihayag ni Revilla Jr. na maayos na ang kondisyon ng tatay niya at tinanggal na rin ang ventilator nito.
Subalit nitong Huwebes, Hunyo 25, sinabi niya na maselan pa rin ang kalagayan ng ama at humihiling ng panalangin sa sambayanan.
Taong 1986 nang unang sumabak sa pulitika si Revilla Sr. subalit natalo bilang senador makaraang gamitin ang totoong pangalan na Jose Bautista.
Kumandidato ulit siya sa pagkasenador noong 1992 at nagwagi nang gamitin ang screen name sa kampanya.
Bago maging pulitiko, nakilala muna ang nakakatandang Revilla sa mundo ng showbiz dahil sa mga pinagbidahang pelikula na may kinalaman sa agimat.