Dinalaw ng 18 European Parliament members si dating Senadora Leila de Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City ngayong araw.
Layon nitong matiyak na nasa maayos na kondisyon ang lagay ng dating mambabatas na minsan na nalagay sa alanganin matapos gawing hostage ng tatakas sanang mga myembro ng Abu Sayyaf noong Oktubre 2022.
Tumagal ng mahigit isang oras ang mga kinatawan ng European Parliament sa naturang pasilidad, kung saan anim na taon nang nakapiit si de Lima.
Naging mahigpit naman ang ipinatupad na seguridad ng pulisya sa lugar.
Ang pagdalaw ng mga ito ay may basbas mula kina Judge Romeo Buenaventura at Abraham Joseph Alcantara ng Muntinlupa Regional Trial Court.
Samantala, bago tumungo sa Kampo Krame, nakipagpulong din ang European parliamentarians kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Nabatid na nasa bansa ang mga myembro ng European Parliament upang makipag-diyalogo sa mga opisyal ng gobyerno sa usapin ng human rights at kampanya kontra iligal na droga.